-- Advertisements --

Iba’t ibang beach parties sa Boracay, plano ng LGU Malay sa nalalapit na holiday season upang mas pang makahikayat ng turista na maabot ang 2.1 target tourist arrival

KALIBO, Aklan—Upang makahikayat ng maraming turista at maabot ang target na 2.1 milyon tourist arrival bago matapos ang kasalukuyang taon, plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na magsagawa ng kaliwa’t kanang beach parties sa isla ng Boracay.

Aminado si Katherine Licerio, tagapagsalita ng Malay Tourism Office na bumagsak ang tourist arrival sa tanyag na isla nitong mga nakaraang buwan ngunit bumawi din aniya nitong nakaraang dalawang linggo ngayong buwan ng Nobyembre dahil sa ilang holidays na nagdaan.

Balak aniya ng tourism office na magsagawa ng iba’t ibang aktibidad na makahikayat sa mga dayuhang turista na sa isla na lamang mag-celebrate ng kanilang Pasko at Bagong Taon.

Dagdag pa ni Licerio na mangangailangan pa sila ng halos 300,000 individuals upang maabot ang target na tourist arrival kung kaya’t ginagawan na nila ito ng paraan lalo na sa nalalapit na holiday season.

Sa kasalukuyan, naitala na ng tourism office ang nasa 1.8 million tourist arrival hanggang nitong Nobyembre 16 na kinabibilangan ng foreign tourists na 357,406; local tourist na umabot sa 1.4 million at overseas Filipinos na 19,852.