-- Advertisements --

Sumailalim sa serye ng briefing ang mga embahada at international organizations sa Metro Manila ukol sa mga banta na dulot ng ‘the Big One’ o ang lindol na unang na-forecast na magdudulot ng malaking pinsala sa Metro Manila at iba pang karatig na rehiyon.

Pinangunahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang naturang briefing, kasama ang Department of National Defense Office of Civil Defense (DND-OCD).

Dito ay nagbigay ang mga naturang ahensya ng mga impormasyon ukol sa banta ng naturang lindol, kasama ang vulnerability and risk assessment na unang nagawa ng pamahalaan ukol dito.

Binigyang diin ni Undersecretary for Civilian Security and Consular Affairs (UCSCA) Jesus Domingo ang kahalagahan ng pakikipag-kolaborasyon sa pamahalaan ng mga embahada, konsulada, at mga opisina ng iba pang international organizations upang matiyak ang kahandaan ng mga foreign nationals na pansamantalang naninirahan sa bansa.

Umabot naman sa 49 na kinatawan ng kabuuang 35 na embahada ang nakibahagi sa naturang briefing habang apat ang naging kinatawan ng mga international organization.

Ang Pilipinas, na nasa Pacific Ring of Fire, ay kinikilala bilang pinaka-prone sa mga pagyanig.

Nakakaranas ito ng 100-150 na mga pagyanig sa kada-taon.

Sa nakalipas na sampung taon, nakaranas na ang bansa ng sampung malalakas na pagyanig kung saan pinakamataas dito Mag 7.8 na lindol. Ang mga naturang lindol ay nagdulot ng pagkamatay ng mahigit 11,000 na katao