BAGUIO CITY – Nagpapatuloy pa rin ang mga infrastracture projects sa City of Pines kahit nararanasan ang pandemya.
Ayon kay Baguio City Administrator Bonifacio Dela Peña, una nang nailaan ang P100-million na pondo para sa pagsasaayos sa drainage system ng Lake Drive, Burnham Park hanggang sa Magsaysay Avenue, Baguio City.
Inihayag niyang puntirya ng proyekto na masolusyonan ang mga suliranin sa pagbaha sa central business district tuwing mayroong malakas na ulan.
Kaugnay nito, sinabi ni Dela Peña na inaasahang mauumpisahan na rin ang P434-million contract para sa youth convergence center at sports complex sa Baguio Athletic Bowl.
Binanggit pa ng opisyal na inaasahang maitatayo ang dalawang barangay halls sa lunsod na nagkakahalaga ng P56-million at P37-million.
Naniniwala si Dela Peña na matatapos ang mga nasabing proyekto sa Baguio City hanggang sa pagtatapos ng 2022.