VIGAN CITY – Nakatakdang talakayin sa araw ng Miyerkules, sa isasagawang meeting ng National Task Force on African Swine Fever ang iba’t ibang isyu hinggil sa paglaganap ng nasabing virus sa bansa.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ni Agriculture Secretary William Dar.
Ayon kay Dar, inaasahang matatalakay sa nasabing pagpupulong ang mga isyung kinakaharap ng bansa dahil sa ASF virus, lalo na ang mga concern ng mga apektadong hog raiser, pati na ng mga meat processors.
Ang nasabing task force ay pinangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang chairman; si Dar bilang vice chairman at ang DA bilang lead agency.
Kasama rin sa mga miyembro ng task force ang mga kalihim ng iba’t ibang ahensya ng gobiyerno kagaya na lamang ng Department of Finance, Foreign Affairs, Interior and Local Government, Health, Environment and Natural Resources, Trade and Industry, Defense, Budget and Management, Transportation at National Disaster Risk Reduction and Management Council.