CAUAYAN CITY – Matagumpay na nakumpiska ng mga miyembro ng San Mariano Police Station sa San Mariano, Isabela, ang iba’t-ibang uri ng pekeng sigarilyo na ibinebenta ng isang babae mula sa Upi, Gamu, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag Police Major Fedimer Quitevis, hepe ng San Mariano Police Station, na dinakip nila ang babae na nagbebenta ng mga tinapay ngunit mayroon ding mga itinitindang pekeng sigarilyo.
Una rito ay nakatanggap ng tip ang mga kasapi ng San Mariano Police Station kaugnay sa mga ibinebentang sigarilyo sa murang halaga.
Dahil dito nagsagawa ng pagmamanman ang mga pulis at bumili sila ng halagang P50 bawat pakete kompara sa orihinal na presyo na P80 hanggang P100.
Napansin din nila na kakaiba ang mga features ng apat na malalaking karton ng sigarilyo.
Nakasaad sa kaha nito na menthol, ngunit sinabi ng mga nakabili na walang menthol ang sigarilyo.
Kaugnay nito, ipapatawag ang mga distributor ng mga sigarilyo na maaaring makapagpatunay na peke ang mga ito.
Samantala, sinabi ng naarestong babae na hindi niya alam na peke ang mga sigarilyo na kanyang ibinenta.
Sinabi lang daw ng nag-alok sa kanya na “class B” ito kaya mas mura.