BAGUIO CITY – Nananabik na ang iba’t ibang labor group sa Baguio City para sa isasagawa nilang rally ngayong araw, Labor Day.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Mike Cabangon, tagapagsalita ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa lokalidad, sinabi niya na mag-uumpisa ang rally mamayang alas-8:30 ngayong umaga sa harap ng post office sa lungsod hanggang sa Igorot Park kung saan magaganap ang programa.
Aniya, ilalantad nila sa programa ang totoong kalagayan ng mga manggagawang Pilipino matapos maipabalitang gumaganda ang sitwasyon ng mga manggagawa sa bansa.
Iginiit ni Cabangon na halos mas mahirap ang kalagayan ng mga manggagawa sa kasalukuyang administrasyon dahil walang pagbabago o pagtaas sa suweldo.
Idinagdag niya na masyadong mababa ang P320 hanggang P330 na minimum wage sa Cordillera.
Kasabay nito ay hinihikayat ng KMU ang mga manggagawa sa Baguio City na makiisa sa isasagawa nilang rally para marinig ang kanilang mga hinaing.