Sinimulan na kahapon, Agosto 20, ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-7 ang una sa limang public hearing upang matukoy ang pagtaas ng sahod para sa mga minimum wage earner sa Central Visayas.
Dinaluhan ang aktibidad ng daan-daang mga kalahok na kumakatawan sa iba’t ibang establisyimento at organisasyon sa Metro Cebu.
Kaugnay nito, nanawagan ang iba’t ibang labor groups sa Wage Board na aprubahan ang P150 na dagdag sa sahod.
Ayon pa sa mga grupo, ito’y dahil sa patuloy na tumataas na inflation at para na rin makabawi ang mga manggagawa sa kanilang take-home pay.
Inihayag ni Department of Labor and Employment Director at Regional Tripartite Wages and Productivity Board-7 Chairperson Lilia Estillore, na magkakaroon ng deliberasyon sa Setyembre 5-6 sa lahat ng mga input ng public hearing.
Sinabi ni Estillore na sakaling maaprubahan, magkakabisa ang bagong dagdag sahod sa Oktubre ngunit nilinaw pa niya na sasakupin lamang nito ang mga minimum wage earners.
Samantala, magpapatuloy naman ang public hearing na gaganapin sa Balamban ngayong Agosto 28, Bogo City sa Agosto 30, Dumaguete City sa Setyembre 3 at Tagbilaran City sa Setyembre 4.