-- Advertisements --

DAVAO CITY – Tiniyak ng pamunuan ng 10th Infantry “Agila” Division na hindi nila kukunsintihin o hahayaan ang masamang mga gawain ng mga tauhan nito maging sila man ay opisyal, civilian human resources o enlisted personnel.

Ito ang pahayag ng 10ID matapos naharang ang isang Private First Class na nakatalaga sa Civil Military Operation, 6IB Awang Maguindanao sa Task Force Davao Sirawan Toril Checkpoint dahil sa dala nitong pitong iba’t ibang uri ng armas na walang legal na dokumento.

Kinilala ng Toril PNP ang suspek na si Private First Class Mohammad Kasingsingan Kitig, 26 anyos, at residente ng Brgy. Poblacion, Matalam, North Cotabato.

Samantala, patuloy pa rin ang imbestigasyon ngunit tiniyak ng 10ID na magiging transparent sila at mahigpit na susuportahan ang patuloy na proseso para makakuha ng tapat at maaasahang resulta.

Dagdag pa rito, ang pag-aresto sa isa sa kanilang mga sundalo na kasalukuyang nakatalaga sa isa sa kanilang Operational Control unit ay isang malinaw na indikasyon na seryoso ang kasundalohan sa layunin nitong alisin ang mga hindi disiplinado, hindi propesyonal, at scalawag na mga sundalo.