Muling siniguro ng pamunuan ng National Economic and Development Authority na patuloy na tututukan ng pamahalaan ang iba’t ibang usapin na may kinalaman sa labor sektor sa bansa.
Ginawa ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan ang pahayag, matapos nitong lagdaan ang Implementing Rules and Regulations ng Trabaho Para sa Bayan Act.
Sinabi ni Balisacan na ang naturang IRR ay pakikinabangan ng mga babaeng manggagawa kabilang na rito ang mga indibidwal nasa vulnerable at creative sector.
Nakasaad sa Trabaho Para sa Bayan Act ang mandato na gumawa ng isang master plan.
Ang naturang plano ay siya naman magsisilbing panuntunan upang makapaglikha ng mas maraming dekalidad na trabaho.
Layon rin nito na tuluyang maiangat ang kakayahan ng mga mamamayang Pilipino.
Inaasahan rin ng ahensya na matatapos na sa lalong madaling panahon ang pagbalangkas sa Trabaho Para sa Bayan Plan.