-- Advertisements --

Muling kinalampag ni Sen. Sonny Angara ang pamahalaan para sa panukalang pagtataas ng sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.

Ginawa ni Angara ang panawagan kasabay ng pagdiriwang ng World Teacher’s Day ngayong araw.

Ayon sa mambabatas, naghain siya ng panukala na gawing salary grade 19 ang mga guro o may buwanang sahod na P45,269 kada buwan, mula sa kasalukuyang salary grade 11 na mayroon lamang P20,754 para sa isang buwan.

Giit ng senador, alinsunod ito sa fourth tranche ng Salary Standardization Law.

Paliwanag ni Angara, ang upgrade sa sahod ay mangyayari sa loob ng limang taon para makagawa ang Department of Budget and Management (DBM) ng nauukol na budgetary adjustments.

Wika pa niya, ang salary increase na ibibigay sa 800,000 public school teachers ay dati nang naipangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, kung nagawa ng gobyerno na maitaas hanggang doble ang tinatanggap na sweldo ng mga pulis at sundalo, hindi dapat maiwan ang mga guro na gumaganap din ng makabuluhang papel sa ating lipunan.

Idagdag pa rito ang tumataas ding bayarin at iba pang pangangailangan ng ating public school teachers.

“Tuloy tuloy ang pag taas ng presyo ng bilihin, parami ng parami ang mga estudyante, pabigat ng pabigat ang trabaho ng ating mga guro, pero ang sweldo nila ay napako na ng ilang taon. Panahon na para taasan natin ang sahod nila,” wika ni Angara.