CENTRAL MINDANAO – Nahukay ng mga sundalo ang mga armas na ibinaon sa lupa ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay 39th Infantry Battalion Philippine Army commanding officer Lieutenant Colonel Geoffrey Carandang, sa tulong ng mga dating rebelde na sumuko sa militar ay natunton nila ang mga armas na ibinaon sa lupa at nahukay sa Sitio Sagpangon, Barangay Biangan, Makilala, Cotabato.
Kabilang sa mga armas na nahukay ang tatlong M16 armalite rifles, tatlong improvised explosive device (IED) mga sangkap sa paggawa ng bomba, mga bala at mga magazine.
Ang mga armas ay pag-aari ng mga natitirang miyembro ng NPA sa ilalim ng Pulang Bagani Command ng Guerilla Front 51 at Sub-Regional Command 3 ng Southern Mindanao Regional Committee.
Una rito, apat na mga rebelde ang naaresto ng 39th IB sa Brgy Biangan sa bayan ng Makilala habang anim ang sumuko.