Iginiit ni Senate committee on justice chairman Sen. Richard Gordon na hindi nila nais na personal na atakehin si dating PNP Chief Oscar Albayalde nang irekomendang kasuhan ito dahil sa cover up at kapabayaan sa isyu ng ninja cops, kung saan mga dati nitong tauhan ang nasasangkot.
“Personally he’s a likable fellow. I hope he can extricate himself by making sure that he produces evidence,” wika ni Gordon.
Sumentro kasi sa cover up issue ang committee report na inilabas ng Senate panel.
Ayon kay Gordon, malinaw sa mga nakalap nilang testimonya at documentary evidence na may mga nalabag na batas ang pinuno ng pambansang pulisya.
Partikular na umano ang mga ginawang pagtawag ni Albayalde sa mga kapwa nito opisyal ng PNP na sina PDEA Director General Aaron Aquino at retired Police General Rudy Lacadin para lamang maisalba ang mga tauhang nasasangkot sa isyu ng ninja cops o drug recycling.
Dahil dito, maaring maharap si Albayade sa mga kasong kriminal at administratibo.
Pero nilinaw ng senador na hindi pa ito ang final report nila dahil may inaasahan pang hearing kapag nakabalik na sa bansa ang kaniyang mga kasamahan sa komite.
Samantala, una nang iginiit ni Albayalde na pinag-iinitan lang siya ng mga retiradong opisyal ng PNP kaya siya idinidiin sa lumang usapin.
Dapat aniyang noon pa siya kinasuhan kung talagang naniniwala ang mga ito na may nalabag siyang batas.