LEGAZPI CITY – Pinabulaanan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resorces (BFAR)-Bicol ang kumakalat na impormasyon sa umano’y “coated plastic fish” na ibinibenta sa ilang pamilihan.
Ayon kay BFAR Bicol spokesperson Nonie Enolva sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, may natanggap din silang report mula sa lalawigan ng Sorsogon.
Subalit nilinaw ng opisyal na hindi plastic ang nakabalot sa isang mackerel o buraw, kundi mucus layer ng isdang matagal nang frozen na tila pumapalit sa kawalan ng kaliskis.
Kumukunat aniya ito kung matagal na habang kung ilalagay naman sa apoy ay hindi naman nangangamoy plastic kung nasusunog.
Dagdag pa ni Enolva na wala naman itong dalang panganib sa kalusugan ng sinumang makakakain at parte lamang ng chemical process ng isda.
Samantala, abiso naman ni Enolva na mas maging maingat sa pagpili kung sariwa ang isdang bibilhin upang masiguro na ligtas sa anumang posibleng health risk.