CAUAYAN CITY – Hindi pabor ang IBON Foundation sa pagbabawas sa pondo ng ilang pangunahing proyekto at ahensya na sana ay makakapag bigay ng tulong sa mga mahihirap na Pilipino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, sinabi niya na bagamat malaki ang pondo ng pamahalaan na nagkakahalaga ng P5.8 trillion para sa susunod na taon ay maraming proyekto naman ang binawasan ang pondo.
Kabilang sa mga programang nabawasan ng pondo ay ang ilang proyekto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) na nagbibigay ng tulong o emergency assistance.
Nabawasan din ng sampung bilyong piso ang pondo ng Department of Health (DOH) para sa indigent programs ng ahensya at mas ikinabahala pa nila ang pagbabawas sa pondo ng Department of Agriculture (DA) na nakalaan sana sa pagpapababa sa presyo ng bigas at pagkain sa bansa.
Ayon sa grupo taliwas ang pinaglaanan ng pondo ng pamahalaan dahil ilan sa mga mainit na tinatalakay ay ang confidential fund at pork barrel sa halip na maibigay sa tama at nangangailangan na ahensya.
Mas maiinam sana kung ang mga binawas na pondo ay maipamahagi ng Pamahalaan sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Hindi rin naman aniya kailangan ang price cap sa bigas kung nabigyan ng tamang aksyon ang mataas na gastos ng mga magsasaka sa rice production dahil sa ngayon ay kulang na kulang ang programa ng pamahalaan sa mga magsasaka na nagreresulta sa mas mataas na presyo ng bigas sa bansa.