ILOILO CITY – Duda ang non-profit institution na Ibon Foundation sa totoong pakay ng Maharlika Fund.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa, sinabi nito na nakakatakot ang nililikhang pondo, bagamat sinisilaw tayo na may daan daang bilyong piso ang bansa, delikado anya ito dahil posible magamit ito sa pansariling interes at maibulsa ang pera ng bayan.
Ayon kay Africa, hindi tama na magpanggap ang Pilipinas na may sapat na yaman.
Hindi rin anya kayang ng Pilipinas ang isang sovereign wealth fund dahil wala tayong surplus cash at sa halip ay may malaking budget deficit.
Kaduda duda rin anya na kapag naitatag na ang pondo, dapat daw mag-ambag ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng katumbas ng 10% ng kita ng remittances ng Overseas Filipino workers at panibagong 10% ng kita ng BPO sector sector – mga bagay na ‘di naman pera ng Central Bank.
Tiyak rin anya na mas magpapayaman pa ito ng mga nasa likod ng pagtulak ng Maharlika Fund na sina House Speaker Martin Romualdez, at ang anak ni Presidente Bongbong Marcos na si House Deputy Majority Leader Sandro Marcos.
Napag-alaman na ang sovereign wealth fund na magmamandato sa Government Service Insurance System na mag-ambag ng P125 bilyon, gayun din sa Social Security System ng P50 bilyon, Landbank na P50 bilyon, Development Bank of the Philippines P25 bilyon, at sa mismong national government na P25 bilyon.
Posible rin anya na mangyari sa Pilipinas ang naranasang bangungot na dulot ng 1 Malaysia Development Berhad scandal, kung saan ang sovereign fund ay ikinurakot ng dating prime minister ng Malaysia na si Najib Razak at ang asawa nito na si Rosmah Mansor.