-- Advertisements --

ILOILO CITY – Ikinalungkot ng non-profit institution na Ibon Foundation ang inihayag ng Department of Trade and Industry na sapat ang P500 para makapaghanda ng Noche Buena.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mr. Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, sinabi nito na hindi tama na pinipilit ng Department of Trade and Industry na kasya ang P500 para sa isang pamilya na may apat hanggang limang miyembro sa kapaskuhan.

Sa halagang P500 anya sinabi ng ahensya na makapaghahanda na ng spaghetti bundle (P112), salad bundle (P116.50), Pinoy pandesal (23.50), keso (P41.75), ground pork (P31.25) at hamon (P163) na sumatotal P488.

Anya, hindi ito makatotohanan dahil paiba-iba ang presyo ng mga bilihin lalo na sa mga lalawigan.

Natawa na lamang si Africa sa suhestyon ng Department of Trade and Industry na diskarte lamang ang kailangan sa pamimili, tulad ng pagbili ng mga bundled items.

Nanawagan naman ito sa publiko na kalampagin ang pamahaalaan upang masolusyunan ang problema lalo na at pumalo sa 8% ang inflation rate noong Nobyembre.