-- Advertisements --

ILOILO CITY – Hindi pa rin umano kumbinsido ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa mga paliwanag ng Malacañang hinggil sa loan agreement sa pagitan ng Pilipinas at China.

IBP PRES. ABDIEL FAJARDO

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay IBP National President Atty. Abdiel Dan Fajardo, nanindigan pa rin ito na tama ang sinabi ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na hindi dapat gawing collateral ang Reed Bank na patrimonial asset ng Pilipinas sa pautang ng China para sa Chico River irrigation project at Kaliwa Dam project sa bansa.

Napag-alaman na ang Reed bank ay sagana sa langis at gas at napapaloob sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Ayon kay Fajardo, walang standard na sinunod ang Pilipinas sa naturang loan agreement.

Duda rin si Fajardo sa totoong motibo ng nasabing hakbang kung saan ito ang unang pagkakataon na ginawang collateral ang patrimonial asset ng Pilipinas sa isang loan contract.

Nangangamba rin si Fajardo na kapag hindi makabayad ang Pilipinas sa nasabing utang, kukunin ng China ang patrimonial property ng Pilipinas.