TUGUEGARAO CITY – Ipinapaubaya ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Senado ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa mga bagong alegasyon ni Peter Joemel Advincula o alyas Bikoy.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni IBP incoming president Atty. Domingo Egon Cayosa na hayaan ang mga mambabatas na gawin ang trabaho nito na imbestigahan ang panibagong pahayag ni Bikoy.
Una rito nag-iba ng mga pahayag si Bikoy at pinasinungalingan na sangkot ang pamilya ni Pangulong Duterte sa umano’y illegal drug trade at tinukoy si Sen. Antonio Trillanes at ang Liberal Party (LP) na nasa likod daw ng kanyang mga paratang.
Ayon kay Atty Cayosa, nakasentro ngayon ang IBP sa isinasagawang imbestigasyon sa kaugnay sa kontrobersyal na press conference ni Bikoy sa kanilang tanggapan noong May 6.
Sa katunayan, nakatakdang isumite ng binuong fact finding comittee sa IBP Board ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa Lunes.
Tiniyak ni Atty. Cayosa na mananagot sa batas ang mga nasa likod ng nabanggit na press conference at ang maaaring parusa laban sa kanila.
Muling iginiit ni Cayosa na hindi nasabihan ang IBP Board sa presscon ni Advincula sa kanilang gusali sa Pasig City.