TUGUEGARAO CITY – Binigyang diin ni Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Atty. Domingo Cayosa na kailangang ayusin ang sistema ng implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni Atty Cayosa na mahalagang magkaroon ng transparency sa pagpapatupad ng batas na pakikinabangan lamang ng mga Person Deprived of Liberty (PDL) na totoong nagpakabuti at maaari na muling bumalik sa normal na buhay sa labas ng bilangguan.
Bukod dito, sinabi ni Atty Cayosa na kailanagang mapanagot ang mga nasa likod ng katiwalian sa implementasyon ng batas at umaasang hindi lamang magtatapos sa imbestigasyon sa Senado.
Sirang-sira na aniya ang imahe ng mga kulungan dahil sa di umano’y nangyayaring special treatment kung kayat napakahalaga na maging bukas sa publiko ang gagawing proseso sa pagpapalaya ng mga kuwalipikadong mapagkalooban ng GCTA.