Inamin ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na wala pa ring kasiguraduhan na mailalaban ng nagpakilalang alyas Bikoy ay kanyang inilahad na mga impormasyon kaugnay ng koneksyon umano ng pamilya ni Pangulong Duterte sa iligal na droga.
Ayon kay IBP Pres. Abdiel Fajardo, dadaan muna sa butas ng karayom si Peter Joemel Advincula bago makakuha ng libreng legal assistance mula sa kanilang hanay. Ito’y kasunod ng pagpapasaklolo nito kahapon.
Paliwanag ni Fajardo, kailangan munang ikonsidera ang kakayahang pinansyal ni Advincula gayundin ang kaso nito.
Giit ng abogado, mahalagang matukoy kung may basehan o sapat na ebidensya ang mga akusasyon nito.
Nitong Lunes nang lumutang si Advincula dahil umano sa mga natatanggap nitong banta sa kanyang buhay. Nilinaw din nito na hindi siya kontrolado ng mga taga-oposisyon.
Samantala nakatakdang sampahan ngayong araw ng kasong inciting to sedition ng Department of Justice sa Paranaque City ang unang naaresto na si Rodel Jayme.
Inimbitahan na rin daw ng NBI Cybercrime Division si Advincula para mahingan ng salaysay.