ROXAS CITY – Kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang nangyaring pag-ambush sa sasakyan ng isang human rights advocate lawyer na si Atty. Cris Heredia kasama ang kliyente nito at anak na doktor sa Barangay Malapad Cogon, Sigma, Capiz.
Sa official statement na inilabas ng IBP-Capiz Chapter, inilahad nito na ang nangyaring pagpapaulan ng bala sa sasakyan ni Heredia ay kasuklam-suklam o maikokonsiderang “detestable act.”
Ang ganitong pangyayari umano ay walang puwang sa demokratikong lipunan.
Dahil dito, nanawagan ang grupo ng dasal sa kanilang mga miyembro at inabisuhang maging alerto sa lahat ng oras.
Nananawagan din ito sa mga otoridad ng masinsinang imbestigasyon sa naturang pangyayari.
Nabatid na mula sa hearing si Heredia kasama ang kliyente nito sa bayan ng Dao.
Kilala si Heredia bilang abogado ng mga mahihirap at miyembro rin ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL).