KORONADAL CITY- Handang magbigay ng malaking reward ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) South Cotabato-Gensan Chapter sa sinumang makapagtuturo sa pumaslang sa Human Rights Lawyer sa bayan ng Surallah, South Cotabato.
Ito ang inihayag ni Atty. Remigio P. Rojas, IBP-South Cotabato-Gensan Chapter President.
Ayon kay Rojas, ang sinumang indibidwal na may nalalaman hinggil sa pagkakakilanlan ng mga suspek na pumaslang kay Atty. Juan Macababbad ay makakatanggap ng reward money mula sa IBP.
Aminado si Rojas na takot ang sinumang tumestigo ngunit dapat umanong lumabas at isiwalat ang kanilang nalalaman upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Atty. Macababbad.
Malaki naman ang paniniwala ng abogado na may matinding galit ang hitman na bumaril-patay kay Atty. Macababbad dahil na rin sa sampung tama ng bala na natamo nito sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.
Samantala, ikinagalak naman ng pamilya at mga malapit na kaibigan ng biktima matapos na ipinag-utos ng DOJ sa NBI na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pagkamatay nito.
Matatandaan na si Macababbad ang kauna-unahang abogado na pinaslang sa lalawigan ng South Cotabato.