CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang mabilis na pagsasampa ng Department of Justice (DOJ) ng kasong homicide sa pulis na bumaril at nakapatay kay dating Army Cpl. Winston Ragos sa Quezon City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBP president Atty. Domingo Egon Cayosa, sinabi niya na ang pagsasampa ng kaso kay PMSgt. Daniel Florendo Jr. ay nararapat at makatarungang proseso ng batas.
Subalit hindi ito nangangahulugan na maaari ng mahusgahan ang pinaghihinalaan dahil dadaan pa siya sa paglilitis upang mabigyan ng pagkakataon na depensahan ang kaniyang sarili.
Nagbabala ang IBP sa mga pulis at sundalo na dapat nilang sundin ang standard operating procedure sa anumang pagkakaton dahil hindi magiging daan ang pagharap ng buong bansa sa Health emergency upang malabag at mabaliwala ang karapatang pantao.
Aniya, dapat lamang na lahat ng magiging paglabag sa panahon ng krisis sa COVID-19 ay managot at malitis nang naaayon sa Saligang Batas.