-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Marapat lamang na silipin ng Senado, Kamara at ng pangulo ang isyu sa National Grid Corporation o NGCP na umanoy nasa kontrol ng china.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBP National President Atty. Domingo Egon Cayosa, sinabi niya na malinaw sa saligang batas na ang operasyon ng mga public utility sa loob ng bansa kabilang ang Electric power ay dapat nasa ilalim ng pangangasiwa ng mga Filipino corporation o mga korporasyon na pagmamay-ari ng isang pilipino.

Kaya malinaw aniya na hindi maaring ikontrol o pangasiwaan ng mga tsino ang power grid ng bansa dahil labag ito sa konstitusyon ng pilipinas.

Aniya mas mainam na silipin ng Senado, Kamara at maging ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing usapin dahil hindi umano maganda na dayuhan ang may kontrol sa power grid ng bansa dahil magdudulot ito ng pangamba pangunahin sa seguridad ng bansa.

Hinamon naman niya ang pamunuan ng NGCP na maglabas ng mga kaukulang papeles upang mapawi ang pangamba ng publiko.

Paglilinaw pa niya na hindi dapat na ipagwalang bahala ng palasyo ang nasabing usapin dahil kung pababayaan umano ito ay malaki ang posibilidad na madomina ng China ang Pilipinas at maaring paralisahin ang power supply ng buong bansa.

Idinagdag pa niya na walang masama sa pakikipagkaibigan at makipag-negosasyon ng pilipinas sa mga karatig bansa tulad ng china subalit dahil sa sa mga kontrobersiya sa West Philippine Sea na hanggang ngayon ay hindi pa natatapos maging ang mga aktibidad ng Tsina sa mga isla ng bansa ay nararapat lamang na mas maging maagap ang malakanyang sa mga usaping may kinalaman sa pagkontrol sa power grid ng bansa.