KORONADAL CITY – Tinanggalan ng lisensya o dinisbar ng Korte Suprema bilang abogado ang kasalukuyang presidente ng Integrated Bar of the Philippines South Cotabato at General Santos City chapter na si Atty Remigio Rojas dahil umano sa paglabag nito sa mga panuntunan ng kanyang propesyon.
Sa 18 pahina na desisyon na inilabas ng Supreme Court En Banc, dinisbar si Rojas dahil sa umano’y paglabag sa Lawyer’s Oath and the Code of Professional Responsibility nang masangkot sa suhulan tungkol sa annulment case.
Nagsimula ang disbarment case matapos na isinampa ni Jocelyn Bartolome na umano’y nagbigay ng P90,000 kay Rojas para ayusin ang pagpapa-annul ng kasal ng kanyang kapatid.
Batay sa akusasyon ni Bartolome, may kakilala umanong huwes sa Cotabato City si Rojas para sa mabilis na pagpapa-annul ng kasal dahilan upang nagtiwala siya at inabot ang pera sa abogado.
Ngunit, dahil sa katagalan na hindi pa dumating ang disisyon ng korte, siningil ni Bartolome si Rojas, kung saan binigay umano ng abogado ang kopya ng disisyon ng Korte na nagsasabing annulled na ang kasal ng kanyang kapatid.
Subalit nadiskubre ni Bartolome na peke ang naturang dukumento kaya kinumpronta nito si Rojas hanggang sa ibinalik ng abogado ang pera.
Sa kabila nito itinuloy ng ginang ang pagsampa ng disbarment case sa Korte Suprema.
Sa kanyang sagot, ipinagdiinan ni Rojas na maging siya ay biktima rin ng panlilinlang ng isang nagngangalang Muktar Santos sa pagsampa ng annulment case sa isang korte sa Cotabato City.
Wala umanong intensyon ang abogado na manloko ng kapwa sa halip ay nais lamang nitong makatulong.
Ngunit pinanindigang ng Korte Suprema na may paglabag si Rojas sa batas nang aminin nito na sangkot siya sa annulment packages.
Tumanggi naman na magpaunlak ng panayam si Rojas sa Bombo Radyo ngunit sinabi nito na magsasampa siya ng motion for reconsideration laban sa desisyon ng Korte Suprema.