CAUAYAN CITY – Hiniling ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Supreme Court (SC) na suspendihin muna ang mga hearing sa mga korte bilang pakikiiisa sa mga hakbang para ma-contain ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni IBP National President Domingo “Egon” Cayosa na may kautusan naman ang SC na suspendihin ang mga pagdinig ng hanggang March 18 para sa pagdis-infect sa mga korte.
Gayunman hindi ito sapat bunsod na rin ng ipinapatupad na isang buwang community quarantine sa Metro Manila.
May mga abogado kasi aniya na luluwas mula sa Visayas at may mga lalabas din sa Metro Manila para sa hawak nilang kaso sa ibang lugar.
Bukod dito ay nagpupunta ang maraming tao kapag may hearing sa korte.
Sinabi ni Atty. Cayosa na apektado ang kanilang kampanya na “Justice Bilis, Hindi Justice Tiis” ngunit sa ganitong health emergency sa bansa ay kailangang unahin ang kaligtasan at kalusugan ng nakararami.
Sinabi pa ni Atty. Cayosa na ang 87 chapters ng IBP sa buong bansa ay nagpapatupad na ng work from home scheme, habang skeletal force sa national office ng IBP.
Kinansela na rin nila ang nakatakdang conference ng mga abogado sa Bukidnon ngayong Marso at ang Bicolandia regional conference sa susunod na buwan.