CAUAYAN CITY – Umaasa ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na maggiging tama, malinaw, walang kaduda-duda at katanggap-tanggap ang ilalabas na desisyon bukas ng korte sa mga akusado sa Maguindanao Massacre.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Atty. Domingo “Egon” Cayosa, presidente ng IBP, na kabilang din sila sa mga nakaantabay sa promulgasyon ng kaso laban sa mga akusado.
Nagpahayag ng pagsaludo si Cayosa kay Judge Jocelyn Solis Reyes ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) na nagtiyaga na dinggin ang kaso ng sa kabila ng mga pressure at death threat ay nanindigan siya na gawin ang kanyang trabaho.
Kaugnay nito bibigyan daw ng IBP ng parangal si Judge Reyes kapag sa tingin nila ay naging katanggap-tanggap ang kanyang desisyon sa nasabing kaso.
Nauunawaan naman daw ng grupo kung bakit tumagal ng 10 taon ang kaso dahil sa dami ng mga akusado, witness at biktima.
Matatandaang 58 na tao kabilang ang 32 media workers ang napatay sa massacre.
Ang mga pangunahing akusado ay sina dating Mayor Datu Andal “Unsay” Ampatuan Jr at dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan na nakakulong; Datu Sajid Islam Ampatuan na nakapagpiyansa ng P11.6 million at ang kasalukuyang mayor na si Shariff Saydona Mustapha.