-- Advertisements --

Tinawag ng isang International Criminal Court (ICC)-accredited lawyer na rehashed na may kaunting bigat lamang ang argumento ng lead legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nauna na kasing nagpahayag ng kumpiyansa ang abogado ng dating Pangulo na si Nicholas Kaufman na maibabasura ang kaso nito sa international tribunal bago ang nakatakdang trial nito sa Setyembre dahil mayroon umanong compelling arguments kabilang dito ang kawalan ng hurisdiksiyon ng ICC sa kaso at pag-kidnap sa dating pangulo na maituturing aniyang extrajudicial rendition dahil sa kawalan ng due process.

Subalit tinutulan ni Atty. Joel Butuyan ang naturang argumento ng kampo ng dating Pangulo at sinabing dumaan sa legal na proseso ang pag-aresto kay Duterte.

Aniya, maliit lamang ang factual basis para gamitin ito bilang isang feasible legal argument.

Gayundin, ikinatuwiran ng ICC-accredited lawyer na may bisa ang pag-isyu ng warrant of arrest sa dating Pangulo na inilabas matapos ang mahigit pitong taong preliminary examination at imbestigasyon, binasahan din aniya ang dating Pangulo ng kaniyang Miranda rights alinsunod sa ating Saligang Batas at nabigyan ng benipisyo na magkaroon ng maraming abogado noong siya ay inaresto.

Pagdating naman sa jurisdictional argument na ayon kay Kaufman ay isang compelling argument, sinabi ni Atty. Butuyan na ang isyu sa umano’y kawalan ng ICC ng hurisdiksiyon ay kapwa isinantabi na aniya ng ICC maging ng Korte Suprema ng ating bansa.

Giit pa ni Atty. Butuyan na magiging isang mockery ang argumentong ito sa Rome Statute kung sakali dahil humantong ito sa isang salungat na interpretasyon ng ICC treaty.

Matatandaan na noong 2018, idineklara ni dating Pangulong Duterte ang pagkalas ng Pilipinas mula sa Rome Statute, isang kasunduang itinatag ng ICC. Naging epektibo ang pag-withdraw ng ating bansa dito noong Marso 2019.

Subalit nanindigan naman ang panig ng ICC na ang mga krimeng nagawa umano ni Duterte sa kaniyang kampaniya kontra iligal na droga ay nangyari noong panahong miyembro pa ng international tribunal ang Pilipinas sa pagitan ng 2011 at 2019 kayat may hurisdiksiyon pa rin aniya ang korte.