Agad nilinaw ni International Criminal Court (ICC) assistant to counsel Atty. Kristina Conti na ang partispasyon ng mga pamilya ng biktima bilang witness sa ICC case ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi gobyerno ng Pilipinas ang gagastos.
Ayon kay Conti, ang ICC ay may sariling pondo ukol dito.
Giit nito, napaka-istrikto ng ICC sa kwalipikasyon bilang witness, at lalong mas istrikto sa kwalipikasyon kung ipapasok sa witness protection program kung saan maraming bawal.
Hindi umano biro ang maging witness sa ICC dahil hindi sila maco-consider na bakasyunista, kasi wala silang laya sa schedule at maraming limitasyon sa paggalaw.
Hindi rin sila maikokonsidera na freeloaders, dahil ang kapalit nito ay kawalan ng kabuhayan, security threats, at psychological trauma.
Pakiusap ni Atty. Conti, huwag sanang ilihis ang isyu sa patayang inutos ng mga dating opisyal.
At dapat din umanong isaisip hindi lahat ng namatay ay drug addict dahil may mga biktimang bata, matanda at iba pang napagkamalan lamang.
Dagdag pa ng abogado, kung gustong magkaso sa ICC o saanman patungkol sa crimes against humanity o murder, pwede naman itong gawin, basta maging handa sa trabaho, dahil hindi sapat ang comments sa Facebook para maging basehan ng sensetibong kaso.