Dapat umanong suportahan ng International Criminal Court (ICC) ang ginagawa ng Pilipinas na pagsisiyasat sa mga drug-related killings na nangyari sa nakalipas na administrasyon.
Naniniwala si Solicitor General Menardo Guevarra, na kung gusto ng ICC na suportahan ang Pilipinas na imbestigahan ang malawakang patayan, dapat ang international body ang tutulong sa bansa at hindi ang Pilipinas ang tutulong sa tribunal.
Anumang ebidensya o findings aniya na mayroon ang ICC, maaari nitong ibigay sa Pilipinas upang ang pamahalaan ng bansa na ang bahalang mag-prosecute sa sinumang kailangang usigin.
Ayon sa SolGen, hindi pa tumugon ang Pilipinas sa kahilingan ng ICC na tumulong sa sarili nitong imbestigasyon dahil sa hindi naman aniya obligado ang bansa na tulungan ang tribunal.
Nitong nakalipas na taon ay hiniling ng ICC sa Philippine government na tumulong upang ma-facilitate ang pag-interview sa limang pangunahing personalidad sa kontrobersyal na drug war.
Maaari sanang tumulong ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagdadala sa kanila sa The Hague sa Netherlands o kung hindi man ay isagawa na mismo ang ‘interrogations’ o pagtatanong sa ngalan ng ICC.
Pero nanindigan si Guevarra na hindi tugunan ang request ng international body.
Aniya, maaari silang tumuloy kung gugustuhin nila ngunit hindi dapat asahan ang tulong ng pamahalaan ng Pilipinas dahil mayroong sariling sistema ang bansa.