Iginiit ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na hindi hustisya ang hangad ng International Criminal Court kundi pagkontrol sa kanyang member-states.
Ang pahayag ni dela Rosa ay matapos ianunsyo ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na bukas ang bansa na makipagdayalogo sa ICC sa pagsisiyasat sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Para kay Dela Rosa, halata aniya sa pagpupumilit ng ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa membership sa international tribunal.
Napuna din ng senador ang dissenting opinion ng dalawang hukom ng ICC Appeals Chamber na ang kahilingan para sa awtorisasyon ng imbestigasyon ay inihain noong hindi na bahagi sa Rome Statute ang Pilipinas —isang kasunduan na lumikha ng ICC.
Gayunpaman, nanindigan ang senador na hindi siya tutugon sa anumang tawag mula sa ICC dahil ito ay katumbas ng pagkilala sa kanilang hurisdiksyon sa Pilipinas.