Iginiit ng Department of Justice na hindi maaaring arestuhin o isyuhan ng subpoena ng International Criminal Court ang mga indibidwal na idinadawit sa imbestigasyon ng war on drugs ng nakalipas na Duterte administration.
Ayon kay Justice USec. Raul Vasquez, bagamat maaaring pumunta sa bansa ang mga kinatawan ng ICC, hindi na miyembro ang Pilipinas sa treaty na lumikha ng tribunal. Kumalas na kasi ang bansa sa ilalim noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, sa oras na gawin ng ICC ang nasabing coercive actions mahaharap sila consequences na ipapataw ng law enforcement agencies.
Ginawa ng DOJ official ang pahayag matapos sabihin ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na hindi haharangin ng PH ang International Criminal Police Organization (Interpol) sakaling i-tap ito para iimplementa ang posibleng arrest order ng ICC laban sa mga personalidad na sangkot sa drug war.
Subalit sinabi ng DOJ na ang ICC at Interpol ay 2 magkahiwalay na lupon. Kung saan kapag ipinatupad aniya ng interpol ang arrest order sa PH, sinabi ni USec. Vasquez na dadaan pa rin ito sa proseso.
Una na ngang kinumpirma ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na natanggap ng PH ang request mula sa ICC para tumulong na makapanayam ng kanilang mga imbestigador ang 5 indibidwal na na-tag bilang suspek sa drug war investigation kabilang na si dating PNP chief at kasalukuyang Sen. Ronald Dela Rosa, dating PNP chief Oscar Albayalde at 3 iba pang dati at aktibong opisyal ng PNP.