Ipinahayag ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi na dapat na mangialam pa ang International Criminal Court (ICC) sa paglutas sa isyu ng ‘war on drugs’ sa Pilipinas noong panahon ng administrasyong Duterte.
Kasunod ito ng pagpapahintulot ng ICC kay Special Prosecutor Karim Khan na muling magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y mga nagawang paglabag sa karapatang pantao noong kasagsagan ng drug war sa bansa sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa administrasyong Marcos Jr., napapanahon na para ipaubaya ng ICC sa Pilipinas ang paglutas sa naturang usapin dahil maayos naman na aniyang umiiral ang justice system sa bansa.
Sa isang pahayag ay ipinaliwanag ni Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Mico Clavano, maaari lamang na manghimasok ang ICC o anumang international court sa isang bansa wala itong kakayahan na magsagawa ng sariling imbestigasyon alinsunod sa complementarity principle sa ilalim ng international law.
Bagay na hindi naman aniya nararanasan ngayon ng bansa dahil sa katunayan pa raw nito ay mula pa noong taong 2016 hanggang sa pagtatapos ng taong 2022 ay patuloy ang kanilang isinasagawang genuine investigation pahinggil sa umano’y mga kaso ng pagpatay sa kasagsagan ng war on drugs campaign ng nakalipas na administrasyon.
“What we’re trying to say is we are doing a genuine investigation on the killings from 2016 up to 2019 or even up to the end, 2022. If there’s a working justice system then the ICC cannot come in, and supplant or substitute our working justice system with their own; dahil gumagana naman,” paliwanag ni Clavano.
Kung maaalala, una nang ipinagkibit-balikat ni dating Pangulong Duterte ang desisyon ng ICC na ipagpatuloy ang kanilang preliminary investigation sa kaniyang “war on drugs”.
Ayon sa dating tagapagsalita nito na si Harry Roque ay kasabay ito ng muling pagbibigay-diin na hindi siya kailanman papayag na mga dayuhan ang hahatol sa kaniya hangga’t handa at may kakayahan pa ang sariling korte ng Pilipinas na gawin ito.
Hindi aniya kailanman magpapasakop ang dating pangulo sa ilalim ng legal na hurisdiksyon ng anumang foreign body dahil ito aniya ay isang insulto sa kakayahan ng impartiality ng criminal justice system ng bansa.
Ngunit nilinaw niya na handa itong magpakumbaba sa prosecution at judgment ng alinmang lokal na hukuman sa Pilipinas.