-- Advertisements --

Ibinasura ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na higpitan ang mga tinatanggap na identification documents ng mga biktima ng drug war sa kaso ng crimes against humanity laban sa kanya.

Sa desisyong inilabas noong Abril 17, pinayagan ng ICC Pre-Trial Chamber I ang rekomendasyon ng ICC Registry na tumanggap ng iba’t-ibang uri ng government-issued IDs gaya ng birth certificate, senior citizen card, barangay certificate, driver’s license, at iba pa — hindi lang pasaporte o National ID gaya ng hinihiling ng kampo ni Duterte.

Iginiit ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman na kailangang higpitan ang requirements upang maiwasan ang fraud at maling pagkakakilanlan, ngunit tinutulan ito ng mga abogado ng mga biktima, na tinawag ang panukala bilang “anti-poor.”

Ayon sa ICC, sapat ang kasalukuyang proseso ng verification upang tiyakin ang pagkakakilanlan ng mga biktima at maiwasan ang pandaraya.

Samantala, itinakda rin ng ICC ang deadline ng prosekusyon hanggang Hulyo 1 upang maisumite ang lahat ng ebidensyang ilalatag sa nakatakdang confirmation-of-charges hearing sa Setyembre 23, 2025. Kabilang dito ang testimonya ng mga saksi, video at audio recordings, at mahigit 9,000 pahina ng dokumento.

Mababatid na nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng 43 umano’y extrajudicial killings mula 2011 hanggang 2019, kabilang ang mga insidente noong siya’y alkalde pa ng Davao City.