Inaasahan umano na mag-iisyu ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo o Hulyo ng 2024 at sa kaniyang anak na si VP Sara Duterte at iba pang personalidad o principal actors sa war on drugs sa mga susunod na batch ayon kay dating Senator Antonio Trillanes IV.
Maliban pa sa mag-amang Duterte, kabilang din umano ang iba pang mga personliadad na napaulat na iniimbestigahan ng ICC may kinalaman sa brutal na kampaniya kontra sa iligal na droga ay ang kaniyang tokhang enforcer na si dating PNP chief at Senator Ronald dela Rosa at dati nitong aide na si Senator Bong Go.
Iginiit din ng dating Senador na hindi siya basta marites lang o tagapakalat ng tsismis dahil nakikipag-ugnayan na ito sa mga kinatawan ng ICC noon pang 2017, simula noong preliminary examination nito, gayundin sa pagsasagawa ng imbestigasyon hanggang sa pagbasura ng apela ng dating Pangulo.
Una ng sinabi ni Trillanes na kinausap ng ICC ang mahigit 50 aktibo at dating mga pulis na nagsilbi sa ilalim ng Duterte administration para sa kanilang naging papel sa madugong war on drugs ni dating Pangulong Duterte.
Subalit ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, wala silang impormasyon kaugnay sa naging rebelasyon ni Trillanes at sinabing kanila ng iniimbestigahan kung saan nakuha ng dating Senador ang kaniyang impormasyon.
Una na ring nagbabala si Fajardo na sinuman ang tumanggi o lumabag sa pagsunod sa chain of command ay maaaring maharap sa sanctions.