Inatasan ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ang prosekusyon na tapusin ang mga ebidensya kaugnay ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte bago o sa Hulyo 1, 2025.
Ayon sa 20-pahinang inilabas noong Abril 17, kailangang isama ng prosekusyon ang lahat ng ebidensyang gagamitin sa pagdinig ng kumpirmasyon ng mga kaso, kabilang ang mga pahayag ng mga saksi, kanilang mga salin, mga ebidensyang maaaring pumabor sa akusado, at iba pang dokumentong ayon sa Rule 77 ng ICC Rules.
Binigyang-diin ng ICC na anumang ebidensyang isusumite matapos ang takdang petsa ay hindi tatanggapin.
Matatandaan na si Duterte ay nahaharap sa kasong crimes against humanity dahil sa umano’y mga pamamaslang na nangyari sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.
Inaresto si Duterte sa Maynila noong Marso 11 matapos dumating mula Hong Kong, at kasalukuyang nakakulong sa The Hague. Tatlong araw matapos ang kanyang pag-aresto ay humarap siya sa unang pagdinig ng ICC para sa kumpirmasyon ng mga kaso.