Nagpaliwanag ang International Criminal Court (ICC) kung bakit kailangang arestuhin si dating Pang. Rodrigo Duterte kasunod ng tuluyang paglabas ng warrant of arrest laban sa kaniya.
Sa inilabas na 15-page order ng ICC na pinirmahan nina Pre-Trial Chamber Presiding Judge Julia Antoanella Motoc, Judge Sophie Alapini-Gansou, at Maria del Socorro Flores Liera, mahalaga ang pag-aresto at tuluyang pagdetene kay Duterte upang matiyak ang kaniyang pagdalo sa isasagawang pagdini.
Giit ng ICC, hindi nito inaasahan na makikipag-cooperate ang dating pangulo at tuluyang dadalo kung papadalhan lamang ng summon.
Ayon pa sa international court, ang naging desisyon ay resulta na rin ng mga concern na malawak pa rin ang impluwensya ng dating pangulo sa kabila ng hindi na niya paghawak ng anumang posisyon.
Iginiit din ng ICC na mayroong ‘hightened risk of interference’ o posibilidad ng pagkikialam sa imbestigasyon at posibleng banta sa mga testigo at mga biktima.
Dahil dito, mahalaga umano ang tuluyang pag-aresto sa dating pangulo para mapanatili ang integridad ng magiging pagdinig at mapigilan ang anumang pagka-antala o pagsira sa gugulong na legal process.
Unang inilabas ng ICC Pre-Trial Chamber ang warrant noong March 7 dahil sa umano’y crimes against humanity ng dating pangulo mula noong siya ay alkalde pa ng Davao City at noong naging pangulo na siya ng Pilipinas.
Ito ay mga krimen na umano’y nagawa ni Duterte mula noong Novermber 1 2011 hanggang March 16, 2019.