Natanggap na ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang 181 piraso ng ebidensya laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa madugong giyera kontra droga.
Ayon sa dokumentong isinumite noong Marso 21, kabilang sa ebidensya ang mga dokumento, litrato, video, at audio recordings na gagamitin sa paglilitis. May hanggang Abril 4 ang prosekusyon upang isumite ang natitirang ebidensya, kabilang ang mga posibleng testigo, habang may hanggang Abril 11 naman ang kampo ni Duterte para sa kanilang depensa.
Si Duterte ay naaresto sa Maynila noong Marso 11 pagbalik mula Hong Kong at kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC sa The Hague, Netherlands, habang hinihintay ang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23.
Bagaman maaaring maghain ng apela para sa pansamantalang paglaya, maaaring hindi ito aprubahan ng ICC dahil sa mataas na posibilidad ng pagtakas. Ayon kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, wala pang pinayagang makalaya sa ICC na sapilitang dinala rito.
Nananawagan naman ang mga pamilya ng biktima ng drug war na huwag payagang makabalik si Duterte sa Pilipinas upang matiyak ang kaligtasan ng mga testigo. Ayon sa datos ng gobyerno, mahigit 7,000 ang nasawi sa war on drugs, ngunit tinatayang lumampas sa 30,000 ang totoong bilang ayon sa mga human rights group.