Ibinunyag ni dating Senator Antonio Trillanes na kinausap umano ng International Criminal Court (ICC) ang nasa 50 dati at aktibong mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa reklamong crime against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na may kinalaman sa kaniyang war on drugs.
Sa inilabas na pahayag ni Trillanes sa kaniyang X account, sinabi nitong nakatanggap siya ng highly credible information na kinausap ng mga imbestigador ng ICC ang mga opisyal ng PNP na inakusahang sangkot sa drug war ng dating Duterte administration.
Nangangahulugan umano ayon sa dating Senador na maaaring iuri ng mga ICC investigator ang mga opisyal bilang co-suspect kapag hindi nakipagtulungan ang mga ito sa imbestigasyon.
Maaari aniya itong magresulta sa inisyal na pagbabawal sa kanilang makabiyahe at kalaunan ay aarestuhin sa pamamagitan ng International Criminal Police Organization (Interpol).
Sa kasalukuyan, sinusubukan pang makuhanan ng Bombo Radyo ng komento ang panig ng PNP kaugnay sa rebelasyon ng dating Senador.
Matatandaan na si Trillanes ang isa sa mga naghain ng reklamo laban kay dating Pangulong Duterte para sa crime against humanity sa mass murder sa war on drugs.
Noong Enero 2024, sinabi din ni Trillanes na nasa Pilipinas umano ang ICC investigators noong Disyembre ng nakalipas na taon at posibleng isyuhan na ng arrest order si Duterte sa lalong madaling panahon.
Subalit muling iginiit naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kamakailan lamang na hindi ipapasakamay ng PH si dating Pang. Duterte sa ICC dahil hindi kikilalanin ng bansa ang warrant of arrest na ipapadala ng ICC.