-- Advertisements --

Maaaring panatilihing sekreto ng International Criminal Court (ICC) ang pag-isyu ng arrest warrant hanggang sa tuluyan na itong maisilbi sa mga akusado sa umano’y crimes against humanity na nagawa sa ilalim ng war on drugs ng nakalipas na Duterte administration.

Paliwanag ni ICC assistant to counsel Maria Kristina Conti na maaaring mag-anunsiyo ang ICC na nahuli na nila ang wanted sa Pilipinas at kapag patungo na sa The Hague kung saan nakabase ang international tribunal.

Sa ngayon, hindi pa tiyak ni Conti kung iisyu ang naturang warrant ngayong Nobiyembre o sa unang bahagi ng 2025.

Ipinunto naman ni Conti na ang panawagan ngayon ng ICC para sa mas marami pang testigo sa imbestigasyon ng crimes against humanity ay nagpapakita aniya na masinsinan na ang ginagawang paghahanap ng mga ebidensiya.

Una rito, base sa dokumento ng ICC, pinangalanan bilang mga suspek sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, dating PNP chief at kasalukuyang Sen. Ronald dela Rosa, dating PNP officials Oscar Albayalde, Edilberto Leonardo, Eleazar Mata, at dating Criminal Investigation and Detection Group chief at kasalukuyang Northern Luzon commander, Maj. Gen. Romeo Caramat Jr.

Samantala, nauna ng nanindigan ang kasalukuyang administrasyon sa posisyon nito na hindi makikipagtulungan ang PH sa imbestigasyon ng ICC dahil kumalas na dito ang ating bansa noon pang 2019.

Sa datos ng gobyerno, tinatayang nasa 6,000 ang drug personalities na napatay sa madugong drug war subalit sa pagtaya ng human rights groups, papalo hanggang 30,000 ang napatay sa kasagsagan ng kampaniya kontra ilegal na droga sa ilalim ni dating PRRD.