Magkakasa ang International Criminal Court (ICC) ng imbestigasyon sa yaman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kabilang ang kaniyang assets at financial resources para matukoy kung kwalipikado siya para sa legal aid na iniaalok ng korte, ayon kay ICC spokesman Fadi El Abdallah.
Ipinaliwanag ng ICC official na tanging ang mga ICC judge ang maaaring magdeklara kung hindi kayang tustusan ng dating Pangulo ang fees ng kaniyang legal counsels upang ma-avail nito ang legal aid program ng international tribunal.
Nauna na kasing ipinahiwatig ni Vice President Sara Duterte ang posibilidad na pag-apply ng kanilang pamilya para sa legal aid program ng ICC para masaklaw ang legal fees ng mga magsisilbing abogado ng kanilang ama na maaaring pumalo sa milyung-milyong piso.
Samantala, sa gitna naman ng mga report na nakatakdang maglabas ng freeze order ang ICC sa assets ng dating Pangulo, inamin ng tagapagsalita ng ICC na maaari itong mangyari sa anumang pagkakataon.
Subalit nakadepende aniya sa mga ICC judge kung ano ang kanilang ikokonsidera na nararapat na gawin. Isa din aniya itong legal order na tanging ang ICC judge ang maaaring mag-isyu.
Tumanggi naman ang ICC official na mag-speculate sa desisyon ng ICC habang wala pang inilalabas na desisyon ang ICC judges hinggil dito.
Maaari kasing ikonsidera ng ICC na i-freeze ang assets ng isang suspek na sumasailalim sa trial upang magamit ang resources bilang kabayaran para sa mga biktima sakaling ma-convict ito.
Aatasan naman ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) kung sakali na i-freeze ang financial assets ng dating Pangulo kung ipaguutos ito ng ICC.
Subalit ayon sa AMLC, wala itong natanggap na formal request mula sa international tribunal.