Kasalukuyang naghahanap ang International Criminal Court (ICC) ng transcribers na bihasa sa Tagalog at Cebuano.
Base sa job opening na ipinost ng ICC noong Enero 28, ang naturang job opportunity ay nakalista sa ilalim ng ICC Office of the Prosecutor Language Services Unit at nasa individual contractor at short-term basis.
Nakasaad din dito na sasalain sa selection process ang roster of freelance transcribers.
Sa oras na ma-accredit na, aalukin ang mga freelance transcribers ng kontrata para sa pagbibigay ng remote transcription services base sa operational needs ng Unit.
Makikita naman ang buong detalye kaugnay sa naturang job openings sa website ng ICC.
Bagamat hindi nabanggit kung ang alok na trabaho ay konektado sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, lumalabas na ito ay nataon na binuksan sa publiko kasabay ng aplikasyon ng ICC Office of the Prosecutor noong Pebrero 10 para sa warrant of arrest sa dating Pangulo ng Republika ng Pilipinas dahil sa umano’y crimes against humanity may kinalaman sa madugong war on drugs.