Naniniwala si Solicitor General Menardo Guevarra na pinapanood at pinag-aaralan na ng International Criminal Court ang mga impormasyong nabuksan sa imbestigasyon ng Quad Committee ng Kamara de Representantes.
Ayon kay Guevarra, sa kabila ng paninindigan ng pamahalaan ng Pilipinas na hindi nito kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC, posibleng ikinukunsidera na ng international body ang mga bagong lumabas na impormasyon, at nililikom ang mga ito para magamit sa sarili nitong imbestigasyon.
Posible rin aniyang plano ng mga ito na kausapin ang ilang mga testigo, gamit ang online na paraan.
Sa kabila nito ay nanindigan si Guevarra na tama ang ginagawa ng pamahalaan ng Pilipinas na hindi pagsusumite ng report o nalikom na impormasyon sa ICC ukol sa kontrobersyal na drug war ng dating pangulo.
Giit ng SolGen, walang obligasyon ang Pilipinas na magsumite ng report sa international body.
Paliwanag pa ni Guevarra, kung sakaling ipilit ng ICC na gamitin ang mga impormasyong lumabas sa pagdinig ng Quad Comm, lalo na bukas ito sa internet, magiging malaking hamon pa rin kung paano ipa-authenticate ang mga ito at magamit sa pormal na paglilitis.