Inilatag ng International Criminal Court (ICC) Office of the Prosecutor ang legal na basehan sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa inilabas na opisyal na pahayag ni ICC Chief prosecutor Karim Khan mula nang maaresto ang dating lider ng Pilipinas noong Martes, sinabi nito na base sa kanilang independent at patas na imbestigasyon, “criminally responsible” umano ang dating Pangulo sa krimen laban sa sangkatauhan kaugnay sa mga pagpatay na na-commit sa Pilipinas sa pagitan ng Nobiyembre 2011 at Marso 2019 kung saan miyembro pa ang bansa sa Rome Statue.
Inakusahan din umano si Duterte ng mga krimen bilang founder at pinuno ng Davao Death Squad noong alkalde pa siya ng Davao city na kalaunan ay nahalal bilang Pangulo ng Pilipinas.
Sinabi din ng ICC prosecutor na nagawa ang naturang mga krimen bilang parte ng malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga mamamayang sibilyan.
Ang ICC Prosecutor nga ang partikular na miyembro ng korte na nagi-imbestiga sa umano’y mga pang-aabuso sa panahon ng kampaniya kontra iligal na droga ni dating Pangulong Duterte. Kung saan isinumite ang aplikasyon para sa warrant sa dating Pangulo sa judges ng Pre-Trial Chamber I na isinilbi noong Martes, Marso 11.
Ayon sa founding treaty ng ICC, binigyang diin ng kapulungan na saklaw ng hurisdiksiyon ng ICC ang kaso ng dating Pangulo dahil ang mga krimen ay naganap noong State Party pa ang Pilipinas sa Rome Statute bago ito kumalas noong 2019.