-- Advertisements --

Iprepresenta ng prosectution team ang inisyal na written evidence na may 8,565 pahina laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Pero ayon kay ICC Prosecutor Karim Khan, ang naturang written evidence ay inisyal pa lamang at bahagi lamang ito ng mga iprepresentang ebidensiya pagsapit ng confirmation hearing.

Kasalukuyan pa rin aniyang nirerepaso ng prosecution team ang mga gagamitin nitong material bago tuluyang ipresenta ang kabuuang bulto ng mga ebidensiya sa Pre-Trial Chamber.

Maliban sa mga written documentary evidence may mga non-written evidence ding hawak ngayon ng prosecution.

Ayon kay Khan, may mga visual at audio-visual evidence din silang iprepresenta kung saan sa kasalukuyan ay binubuo ito ng siyam na larawan at mga video footage na tatagal ng 19 oras.

Una nang inilabas ng prosecution ang 181 items na binubuo ng 2,787 page nitong Marso-21 kung saan nabigyan din ng kopya ang defense team ng dating pangulo.

Ayon kay Khan ang ilang mga item na iprepresenta ay mga non-witness documentary materials na inaasahang magkakaroon ng mahalagang papel pagsapit ng confirmation hearing sa kaso ng dating pangulo.