-- Advertisements --

Kinumpirma ni International Criminal Court (ICC) prosecutor Karim Khan ang pagpapatuloy pa rin imbestigasyon ukol sa drug war ng nakalipas na administrasyon, sa kabila ng nakatakdang confirmation hearing sa kaso ni dating Pang. Rodrigo Duterte.

Ayon kay Khan, ang mga ebidensiyang lalabas sa isasagawang imbestigasyon ay muling rerepasuhin ng prosecution at iprepresenta rin sa ICC sa mga susunod na araw.

Maalalang noong Abril-4 ay isinumite ni Khan ang isang 10-page document sa Pre-Trial Chamber I ng ICC kung saan nakasaad ang ilang impormasyon ukol sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Kinalaunan ay inilabas ng ICC sa publiko ang kopya ng naturang dokumento ngunit ang available copy ay isang redacted version o may mga bahagi nito na hindi na binuksan.

Una nang lumabas ang impormasyon na maliban sa dating pangulo ay ilang mga suspek sa madugong drug war ang subject din sa nagpapatuloy nitong imbestigasyon.

Magugunitang ang arrest warrant na inilabas ng Pre-Trial Chamber I ay sumentro lamang sa crimes against humanity na murder kung saan 24 cases ang nai-dokumento sa ilalim ng drug war ng nakalipas na administrasyon.