Sinimulan na ng International Criminal Court (ICC) ang inisyal na hakbang para ma-organisa ang maayos na partisipasyon ng mga biktima ng madugong drug war noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kahapon (March 21) ay inatasan ng ICC ang Victims Participation and Reparations Section na tukuyin ang proseso na maaaring gamitin para sa aplikasyon at registration ng mga biktima.
Ang mga biktima ang magsisilbing testigo sa gugulong na kaso ni dating Pang. Duterte na crimes against humanity.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni ICC assistant to Counsel Kristina Conti na nakahanda ang kampo ng mga biktima na komunsulta sa Victims Participation and Reparations Section upang alamin at tukuyin ang mekanismo na gagamitin.
Sa ilalim ng ICC, ang mga biktima ay maaaring makibahagi sa isasagawang pagdinig o magsumite ng kanilang mga pananaw at alalahanin.
Habang tinutukoy ang mekanismong gagamitin, patuloy aniyang hihintayin ng kampo ng mga biktima ang susunod na instruction/guidelines mula sa international court.
Ayon pa kay Atty. Conti, inaasahang ipapasumite sa kanila ang napirmahang aplikason para makibahagi sa trial, statement ng kanilang pagiging biktima (victimhood), pruweba na kamag-anak nila ang mga biktima, at iba pang kaugnay na impormasyon at dokumento.
Muli namang tiniyak ni Conti na ang pagkakakilanlan ng mga kaanak ng mga biktima ay mananatiling confidential sa kabuuan ng paglilitis.
Tiyak din aniyang patuloy na gagawa ang ICC ng kaukulang hakbang para maprotektahan ang kanilang kaligtasan, physical and psychological wellbeing, dignidad, at privacy.