Inanunsiyo ng International Criminal Court (ICC) na kanilang sisimulan sa Oktubre ang pag-iimbestiga sa kampanya sa iligal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa inilabas na pahayag, pinayagan na ng Pre-Trial Chamber ang hiling ng ICC Prosecutor’s na ituloy na ang imbestigasyon sa programa na drug war sa bansa mula Hulyo 2016 nang maupo sa puwesto si Pangulong Duterte hanggang Marso 16, 2019 ng mag-withdraw ang Pilipinas sa Rome Statute.
Sakop ng imbestigasyon ang patayan daw sa Davao City mula Nobyembre 2011 hanggang Hunyo 30, 2016 kung saan nakaupong alkalde at vice mayor ang pangulo noon.
“Similarities in the modus operandi are also discernible,” ani ICC chamber.” “For this reason, the Chamber considers, at the present stage, and to the required standard, that there are similarities between the killings in the Davao area in 2011-2016 and the so-called ‘war on drugs’ campaign which merit further investigation.”
Dagdag pa ng ICC, isa umanong paglabag sa karapatang pantao ang nasabing “war on drugs” kahit na ilang beses na sinabi ng mga otoridad sa Pilipinas na ito ay legal na operasyon.
Itinaguyod noong taong 2002 ang ICC na siyang huling takbuhan ng mga biktima ng iba’t ibang krimen sa isang bansa kapag ayaw magsagawa ng imbestigasyon ang kanilang gobyerno.
Base sa talaan ng mga human rights group aabot umano sa 6,000 katao ang nasawi sa isinagawang anti-drug campaign o oplan-tokhang mula ng maupo ang pangulo noong 2016.
Kung maalala una nang inakusahan ng Pangulong Duterte ang ICC nang pakikialam sa “internal affairs” ng Pilipinas kaya wala umanong hurisdiksiyon na magsagawa ng imbestigasyon.