-- Advertisements --

Labis umano ang pangamba ng International Committee of the Red Cross (ICRC) sa patuloy na nagaganap na kaguluhan sa Marawi City lalo na sa mga sibilyan na naiipit pa rin sa labanan.

Ayon kay Roberto Petronio, ang head ng ICRC sub-delegation sa Mindanao, malaking hamon pa rin ngayon na mailigtas ang marami pang mga sibilyan na hindi naaabot ng mga rescue teams.

Ang gulo sa nasabing lungsod ay mahigit na rin sa isang buwan.

Kaya naman ayon kay Petronio, patuloy ang kanilang panawagan sa magkabilang panig na sana ay payagan ang mga sibilyan na makaalis sa lugar lalo na ang patuloy na naiipit.

Nakatutok din umano ang ICRC sa pagtulong sa mga lugar na mahirap maabot lalo na sa east at west sides ng Lake Lanao.

Ang ICRC kasama ang Philippine Red Cross (PRC) ay nakapag-evacuate na rin ng aabot sa 700 katao.

Nagsasagawa rin ang mga ito ng pamamahagi ng relief goods at iba pang mga hakbang upang maibsan ang hirap ng mga pangangailangan ng mga apektadong residente.

Bagamat patuloy aniya ang pagbuhos ng tulong sa ngayon, malaking pangangailangan naman ang kakaharapin upang suportahan ang mahigit sa 200,000 mga displaced person kung matapos na ang kaguluhan.

“The situation is far from over. Fighting is ongoing, and civilians who are trapped or are displaced continue to face challenging situations. There is still a need to support more than 200,000 displaced people with food, drinking water, sanitation facilities and health care in the coming weeks,” ani Petronio.