Nasa proseso na ngayon ang PNP sa pag-verify sa identities sa napatay na tatlong suicide bombers na naharang ng militar sa Sitio Itawon, Brgy Kan Islam, Indanan, Sulu.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Bernard Banac, agad na nagpadala ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives ang Sulu Provicial Police office sa pinangyarihan ng insidente para imbestigahan ang pangyayari.
Mismo aniyang si Sulu Provincial Director PBGen Pablo Labra ang nangunguna sa imbestigasyon.
Unang iniulat ng militar na dalawa sa mga suicide bombers ay dayuhang terrorista na kinilala lang sa pangalang Abduramil” at “Abdurahman”.
Bineberipika din ang report na ang dalawa ay asawa at anak umano ng babaeng suicide bomber na umatake sa military post sa KM3, Brgy. Tagbak, Indanan, Sulu noong September 8, 2019.
Sa ngayon ay hindi parin nakikilala kung sino ang pangatlong napatay na suicide bomber, na umano’y miyembro ng grupo ni ASG Sub leader Hajib Sawadjaan.
Ang tatlo ay sakay sa isang motorsiklo patungo sana ng Metro Jolo para magsagawa ng pambobomba nang mapigilan ng mga tropa ng ng 41st Infantry Battalion at 1102nd Infantry Brigade sa isang checkpoint operation sa national highway sa Indanan.